No Smoking… nakalimabag sa mamalaking pulang letra
at may kasamang takaw atensyong larawan ng sigarilyong may ekis na pula o kaya
nama’y sigarilyong umuusok na nasa loob ng pulang bilog na may palihis na guhit
na pula, indikasyon na bawal ito.Eh bakit may mga naninigarilyo pa rin sa mga
lugar na mayroong ganitong paskil?!
Hindi ko
maintindihan kung hindi ba marunong magbasa o sadyang hindi marunong umintindi
ang karamihan sa atin. Halos murahin na ng karatulang nakapaskil na bawal magtapon
ng basura, doon pa rin nagtatapon… sinabihan na bawal mag-ingay mag-iingay pa
rin… may nakasulat nang bawal umihi pero doon pa rin mapanghi kase doon pa rin
umiihi!!! Hindi lang ba marunong magbasa at umintindi o sadyang pasaway lang
tayo at talagang kulang sa disiplina?
Naranasan mo
na bang sumakay sa dyip na maraming sticker at mga nakasabit na paalala tulad
ng “BAYAD MUNA BAGO BUMABA” at “BARYA LANG SA UMAGA”? may bago na rin ngayon,
lahat ng pampublikong sasakay nilalagyan na ng LTFRB ng sticker na may “NO
SMOKING” kase nga ang mga dyip at bus ay mga pampublikong sasakyang ginagamit
ng 90% ng mga pinoy sa pang-araw-araw na transportasyon, eh paano kung mismong
si manong drayber ang naninigarilyo sa harap mismo ng sticker? Hindi ba
nakakainit ng ulo na mabugahan ka ng usok lalo na kung kakalabas mo lang ng
bahay, bagong ligo ka at pusturang pustura papasok sa trabaho o eskwela? Yung
mahabang buhok nga ng babaeng kasakay mo sa dyip na ayaw ipitan na sumasampal
sayo habang nabyahe nakakabwisit na eh, paano pa kaya yung mama o drayber na
nakaupo sa unahan ng dyip na parang tambuchong buga ng buga ng usok?!
Ang sarap nilang dikitan ng sticker sa noo!!!
Papasok ako sa
trabaho isang beses, maaga pa naman kung tutuusin pero maarte kase ako, ayokong
dumarating ng late, gusto ko mga trenta minutos bago ang shift ko nasa opisina
na ko. Yung drayber ng dyip, hindi ko maintindihan ang trip. Tumitigil sya sa
lahat ng kanto at pinaparahan lahat ng tao sa daan. Pinipilit nyang pasakayin
sa dyip nya pati yung mga nakatambay na lalaking walang pang itaas na damit at
naghihimas ng tiyan. Papara naman ang kahit na sino kung gusto talagang sumakay
eh, di ba? Kaya hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangang tumigil
maya’t maya at mamilit ng mga tao para sumakay kahit siksikan na sa loob ng
dyip at para nang sardinas ang mga pasahero… naiintindihan kong naghahanapbuhay
ang mga drayber at kailangan nilang makaboundery pero sana lang meron ding
kahit konting konsidirasyon para sa mga
pasahero, kaya nga sumasakay ng dyip para mapabilis ang byahe eh hindi para
malula sa init dahil siksikan at patigil tigil ang byahe… at ang pinakanakakagigil sa lahat?
Patigil tigil na nga yung dyip, mainit na nga kase siksikan kayo, maninigarilyo
pa yung drayber!!!Anak ng engkanto talaga?! Parang nagpapausok ng tinapa!! Bago
ka makarating sa pupuntahan mo aatakihin ka muna sa puso dahil sa kunsumisyon
sa walang konsiderasyong drayber ng dyip na kung pwede mo lang batukan
nabatukan mo na!!
Malaking
porsyento ng populasyon ng Pilipinas ay naninigarilyo, sumubok manigarilyo at
sunog na ang baga sa kakasigarilyo. Kung tutuusin wala akong karapatan ururatin
ang mga taong naninigarilyo dahil ako mismo ay smoker, moderate smoker… ang
kaibahan ko nga lang sa ibang tao, hindi ako naninigarilyo sa mga lugar na may
nakasulat na NO SMOKING. Achievement na para sa’kin ang hindi ko paghawak at
pagtikim ng yosi magdadalawang buwan na mula ngayon.
Nagtuto akong
gumamit nito noong third year highschool… lunchbreak ‘yon umuwi yung iba naming
kaeskwela,yung ibang malayo ang bahay may baon at hindi umuuwi sa tanghali,
whole day kase ang pasok naming noon… pagkakain ng tanghalian, tinuruan ako ng
isa kong kaklase sa loob pa mismo ng classroom, sa loob mismo ng campus, wala
naman kaseng teacher na makakakita kase nga lunchbreak at sa isang pampublikong
eskwelahang may halos dalawang libong mag-aaral mula first year hanggang fourth
year kulang na kulang ang mga guro para mabantayan ang bawat mag-aaral… kaya
hindi na nakakataka na maagang namumulat ang mga mag-aaral sa mga ganitong
bagay kahit sabihin pang may cigarette ban sa mga tindahang malapit sa mga
eskwelahan… sabi ng kaklase ko ilalagay ko lang ang sigarilyo sa labi ko at
hihigupin ang usok mula dito, patatagalin ng konti sa loob ng bibig at saka
ilalabas. Inubo ako pagkatapos ng dalawang hithit buga. Hindi ko binigyang
pansin ang sigarilyo noong mga panahong iyon kase nga naman mas busy ako
makipagkumpetensya ng grade sa mga kaklase ko, kasama kase ako sa section 1,
star section kung baga, halos kalahati ng klase nerd, at kasama ako dun… mas
malamang ang aral kesa laro, pagsasayaw at pagsusulat sa school paper lang ang
alam kong gawin maliban sa paggawa ng homework at reports pero ibang usapan ang
college… mas maluwag ang schedule… mas maraming pwedeng gawin sa loob at labas
ng campus… mas may kalayaan ka sa lahat ng bagay… walang pakealaman… idagdag pa
ang mga bagong kabarkadang mas gustong magsaya kesa pumasok sa klase… mahirap
aminin pero totoo… muntik na masayang ang buhay ko nung college ako… may mga
pagkakataong imbis na gumawa ng project at mag-aral, bote ang pinagpupuyatan
naming magkakaklase… magpapaalam sa bahay para magresearch kuno pero pupunta
lang sa bahay ng kaklase para manuod ng pelikula, uminom ng pulang kabayo at
syempre manigarilyo. Hindi lang basta pagsisigarilyo ang ginagawa naming noon…
chain smoking… hindi pa ubos ang isang stick nagsisindi na ng kapalit… yosi
adik… sunog baga… kinailangan kong tumigil sa pag-aaral dahil nagkaroon ng
problemang pinansyal ang mga magulang ko pero kapag binabalikan ko ang mga
panahong nasa eskwela ako naiisip kong nakabuti na rin siguro ang paghinto ko
dahil napalayo ako sa barkada at mga kalokohan. Ewan ko pero ito ilang beses ko
ng tinangkang kalimutan ang sigarilyo pero parang syang multong hindi
mamatay-matay… two years ago may halos pitong buwan akong hindi humawak ng
lighter at stick ng yosi, achievement na ‘yon para sa’ken kase unti-unti
nagagawa kong bitawan ang bisyo na sa palagay ko’y kung di ko titigilan ay
ikakamatay ko sa batang edad. Walang nangyari, nastress ako sa trabaho wala
akong magawa, wala akong makausap kaya bumili din ako ng isang pack ng
sigarilyo para makakwentuhan…balik sa dati… yosi pagkakain… yosi pag batrip…
yosi habang umiinom… yosi kapag trip… hindi na chain gaya ng dati pero
nagyoyosi pa rin… ito ngayon pinipilit ko na namang kalimutan si pareng
Marlboro, dalawang buwan na halos kameng hindi naguusap. Mahirap iwanan ang
bagay na nakasanayan… mahirap kalimutan ang mga Gawain na nakakapagpalimot sayo
ng mga problema at hung ups mo sa mundo… parang pagpaparehab ng mga adik sa
bato… parang hindi paginom ng alak ng mga alcoholic… parang paghihiwalay sa mga
magkasintahang inlababo… parang ako…
Pero mabalik tayo
sa ibang smoker… may smoking area naman di ba? Bakit hindi muna magtiis na
hindi manigarilyo at hintaying makarating sa tamang lugar para makapanigarilyo?
Sa mga drayber naman siguraduhing walang pasahero sa minamanehong sasakyan bago
humipak ng yosi para walang maabalang ibang tao. Masarap ang pakiramdam kapag
ikaw ang naninigarilyo pero talaga naming nakakagalit kapag ikaw ang
binubugahan at nakakalanghap ng lahat ng usok mula sa sigarilyo ng isang taong
walang pakealam sa mundo. Hindi na nga malinis ang hangin sa Pilipinas
dadagdagan pa ang polusyon ng sigarilyo ng
katabi mong mamang may tattoo… badtrip!
Oo nga pala, ang
bagong upong lider ng Bansa ay smoker… nagyoyosi kaya sya sa tamang lugar?
Naranasan nya na kayang mabugahan ng usok ng sigarilyo habang bumabyahe? Eh
mapuwing ng titiis mula sa sigarilyo ng ibang tao? Maliban sa paghuli sa mga
illegal na gumagamit ng wangwang ipapahuli nya rin kaya nya ang mga
naninigarilyo sa mga PUV? Kung makakakita ba ang mga simpleng mamamayan ng mga
walang pakundangang naninigarilyo sa dyip, bus, tricycle, pedicab, sa mall at
iba pang pampublikong lugar pwede kayang isumbong sa pulis na isa pa namang
violator ng mga ganitong batas o pwede na lang isumbong sa office of the
President? Sana hindi lang basta sticker ang ilagay sa mga sasakyan at eskwelahan…
dapat yung sticker nananampal ng mga lumalabag sa batas na ito o kaya naman
sisigawan nung sticker yung taong magyoyosi sa harap nito para mapahiya o para
mas simple sana maglagay ang lokal na pamahalaan ng mga manghuhuli sa mga taong
makakapal talaga ang mukha na hindi makaintindi ng NO SMOKING!
Oo,
smoker ako pero alam ko ang ibig sabihin ng NO SMOKING! Ikaw alam mo rin ba? O
katulad ka rin nila?
No comments:
Post a Comment